Share Your Love!

Isang Milyong Pag-Ibig – Kabanata 7

HINDI naiwasan ni Betty na hindi mapansin ang kasiglahan ni Emmalyn habang nag-aalmusal. Kagabi lang ay malungkot at parang nanghihina ang bestfriend niya. Bakit ngayong umaga ay larawan ng kasiglahan? Dapat ay ligalig pa ito dahil may karamdaman ang ina.

“Ano ba ang ininom mo at parang buhay na buhay ka yata ngayong umaga?” tanong ni Betty habang nagkakanaw ng decafeinated instant coffee.

“Nagdasal ako kagabi. Taimtim na pagdarasal. Dama kong tutulungan ako ng Diyos. Nakapagpasiya na rin ako, Betz!”

“Pasiya?”

“Oo. Papayag na ako sa offer ni Adrian.”

“Hindi mo na ba aalamin munang mabuti ang kanyang pagkatao? What about his family background?”

“Makikilala ko rin siya nang husto oras na ipinakilala niya ako sa kanyang ama. May kasabihan tayo na kung ano ang puno ay siya ring bunga.”

“Hindi ba napakabilis ng desisyon mo?”

“Kailangang makuha ko agad ang isang milyong piso para maipagamot kong mabuti si Nanay. Mas maganda kung hindi ko na mamulestiya si Tita Azon.”

“Kung sabagay…”

“Si Tita Azon? Nakapag-almusal na ba?”

“Toasted whole wheat bread at skimmed milk lang naman ang inaalmusal nun, eh. Kanina pa tapos. Nagbibihis na nga.”

“Baka magpunta sa burger house si Adrian mamaya, pakisabi na lang na tawagan ako rito o dili kaya’y puntahan ako rito mamayang hapon.”

“Hoy, ako ang Maid of Honor, ha?”

“Aba, oo! Kung sa simbahan kami ikakasal! Papaano kung sa huwes lang pala?”

“Ang yaman-yaman ng mapapangasawa mo, eh. Sa huwes lang kayo ikakasal? Imposible!”

Mga Pahina: 1 2 3 4 5 6 7 8

Mag-iwan ng mensahe...