Share Your Love!

Isang Milyong Pag-Ibig – Kabanata 8

“Nang makita ko si Emmalyn ay bigla kong naalala ang nasira mong ina.” abot taynga ang ngiti ng matanda. “Halos magkapareho ang kanilang personalidad.”

“Mahirap lamang sina Emmalyn. Nagtratrabaho lang siya sa isang burger house.”

“So what kung mahirap siya at namamasukan lang? Alam kong ang mahihirap na tao ay masisipag at maaasahan sa oras ng kagipitan. Mas matatag at matibay ang kanilang loob.”

“Hindi mo pa sinasagot ang tanong ko, Papa…” excited si Adrian. Sabik na malaman ang isasagot ng ama.

“Kailan n’yo gustong magpakasal?”

Nag-umapaw ang kaligayahan sa dibdib ni Adrian. Hindi mabibigo ang kanyang plano.

“Ikaw ang masusunod, Papa. Ikaw ang magsabi kung kailan dapat kaming magpakasal.”

“Aba! Sa pinakalalong madaling panahon. Ayokong mawala pa sa iyo ang napakagandang batang ‘yan. Baka magbago pa ang isip mo.”

“Hindi na magbabago ang pasiya ko, papa. Sinunod ko ang payo mo na mag-settle down for good na ako. Sawa na ako sa pagkabinata. Marami nang babae ang nagdaan sa buhay ko. Gusto ko nang gumawa ng sariling pamilya at magtayo ng isang magandang negosyo. May kausap na akong isang negosyanteng taga Taiwan. Alam mong ang kailangan ko’y puhunan…”

“Magpakasal ka na at baka sakaling matulungan kita tungkol sa problema mong puhunan.”

Gustong maglulundag ni Adrian dahil sa tuwa nguni’t nagpakatimpi-timi siya.

“Kailan kami dapat magpakasal, Papa?”

“Sa ikalawang linggo. Tamang-tama, bilog ang buwan. Dito idaraos ang kasal ninyo. Dito sa hardin. Sagot ko ang lahat ng gastos.”

Nayakap ng mahigpit at nahalikan ni Adrian ang kanyang ama.

“Salamat, Papa! Maraming salamat!”

Siyang paglapit ni Emmalyn na may hawak na isang bulaklak ng rosas na pinitas niyon sa hardin.

“Bakit isa lang ang kinuha mo. Pumitas ka ng kahit ilang gusto mo.”

“Ilalagay ko lang ho sa aking munting altar.”

Mga Pahina: 1 2 3 4 5 6 7 8 9 10

2 responses to “Isang Milyong Pag-Ibig – Kabanata 8”

  • 1 rey says:
    March 17, 2010 at 8:40 pm

    sana ituloy ang kwento..ang ganda!

  • 2 Rina says:
    October 13, 2010 at 9:05 pm

    nalimutan na ipagamot ung nanay, nagbakasyon na..
    hehe..
    nice job po..ganda ng story! =)

Mag-iwan ng mensahe...