Share Your Love!

Isang Milyong Pag-Ibig – Kabanata 8

“Huwag n’yo na akong pakialaman sa gusto kong gawin. At pabayaan n’yo na rin si Adrian. Kapatid n’yo siya. Sana’y tanggapin at tratuhin n’yo na ring kadugo ninyo.”

“Hindi ko nalilimutang namatay si Mommy dahil sa ina ng Adrian na ‘yan. Hanggang ngayo’y naiisip ko na mas minahal mo ang ina ni Adrian kaysa aming ina na tunay mong asawa. Kasal ka kay Mommy samantalang sa ina ni Adrian ay hindi. Kabit mo lang ang ina ng bastardong iyon.”

Lumagapak ang pisngi ng panganay na anak na lalaki ni Don Alejandro. Malakas ang sampal na dumapo.

“Huwag mo na uling sasabihin ‘yan!” nanlilisik ang mga mata ng Don. “Higit na nakadama ako ng pagmamahal kay Adrian kaysa sa inyong tatlong magkakapatid. Wala kayong ginawa kundi ang sumbatan ako at maghimagsik laban sa akin. Hindi ko kasalanan kung nawalan ako ng amor sa inyong ina at umibig akong muli sa ina ni Adrian. Nagger ang inyong ina at walang mahalaga sa kanya kundi ang kanyang sarili. Samantalang ang ina m Adrian ay asikasung-asikaso ako. Sa kanya ako nakadama ng isang tunay na pagmamahal ng asawa.”

“Nabalitaan ko ring umuutang sa iyo ng malaking halaga ang anak n’yo sa labas!” waring hindi narinig ng panganay na anak ang mga isiniwalat ng ama “Kapag binigyan mo siya ng perang hinihingi niya, itatakwil ka namin, Daddy! Oo, itatakwil ka namin!”

“Umalis ka na bago mapatay kita, hayup ka! Umalis ka na!” nanginginig sa galit ang matanda. Napaupo dahil parang nagsisikip ang dibdib.

Nagmamadaling umalis ang tatlong magkakapatid. Pare-parehong nagliliyab ang galit sa kanilang mga dibdib. Inggit na inggit sila kay Adrian.

Nang matapos ang reception at nagpapahinga na ang mga bagong kasal sa isang malaking silid na sadyang ipinaayos ni Don Alejandro ay may iniabot na malaking sobre ang matanda.

“Ano ito, Papa?” masasal ang kaba ng dibdib ni Adrian.

“Kalahati lamang iyan ng halagang hinihiram mo. Ibibigay ko ang kalahati oras na nalaman kong buntis na si Emmalyn.”

Kinabahan ang dalaga. Napatitig sa mukha ni Adrian. Fake lamang ang kasal nila. Ang usapan nila ay ni hawak ay hindi siya hahawakan. Hindi siya papayag na mabuntis ng isang lalaking hindi naman niya iniibig.

Tuwang-tuwa si Adrian nang buksan ang sobre. Binilang sa ibabaw ng kama ang tig-iisang libong peso bills. Sampung libo ang bawa’t bungkos.

Mga Pahina: 1 2 3 4 5 6 7 8 9 10

2 responses to “Isang Milyong Pag-Ibig – Kabanata 8”

  • 1 rey says:
    March 17, 2010 at 8:40 pm

    sana ituloy ang kwento..ang ganda!

  • 2 Rina says:
    October 13, 2010 at 9:05 pm

    nalimutan na ipagamot ung nanay, nagbakasyon na..
    hehe..
    nice job po..ganda ng story! =)

Mag-iwan ng mensahe...