Share Your Love!

Isang Milyong Pag-Ibig – Kabanata 8

Dali-daling nagpalit ng damit ang mga bagong kasal.

“Sumama na lang kaya ako sa pagkuha sa apo ko?” sabik na sabik ang matanda.

“Huwag na, Papa. Dumito na lang kayo. Hindi naman kami magtatagal.”

“Pero, gustung-gusto ko nang makita ang apo ko!”

“Alam ko hong sabik na sabik kayong makita ang apo n’yo pero maghintay na lamang kayo rito.”

Nagmamadaling umalis sina Emmalyn at Adrian. Magkasama sina Don Alejandro at Delio na naghatid sa dalawa hanggang sa labas ng pinto. Sinundan pa rin nila ng tanaw ang papalayo nang sinakyan ng mga bagong kasal.

“Akalain mo… may apo na pala ako?” masayang baling ni Don Alejandro sa sekretaryo ng kanyang bunso.

Napakunot-noo si Delio. Napakamot sa ulo. Alanganin ang ngiti.

“Hindi mo sinabi sa akin na may anak ka na pala!” parang galit si Adrian habang nagmamaneho.

“Hindi ba sinabi ko na sa iyo na hindi mo pa ako lubos na nakikilala? Katulad mo rin, hindi kita lubos na kilala. Napilitan lang akong tanggapin ang alok mong magpakasal dahil sa ina kong maysakit.”

“So nagkaanak pala kayo ng kasintahan mong namatay?”

“Hindi namin anak ang bata.”

“Kanino mo naging anak ang sanggol mo?”

“Mahalaga pa bang malaman mo gayong hindi naman tayo totoong mag-asawa dahil peke lang naman ang kasal natin?”

“Hindi fake ang kasal natin.”

“Ano?!”

“Nagpahanap nga ako kay Delio ng pekeng pari pero nakialam si Papa. Siya ang umasikaso sa lahat. Siya rin ang kumuha ng pari. Kapatid niya ang paring nagkasal sa atin.”

“Kung gayo’y totoo pala tayong mag-asawa.”

Mga Pahina: 1 2 3 4 5 6 7 8 9 10

2 responses to “Isang Milyong Pag-Ibig – Kabanata 8”

  • 1 rey says:
    March 17, 2010 at 8:40 pm

    sana ituloy ang kwento..ang ganda!

  • 2 Rina says:
    October 13, 2010 at 9:05 pm

    nalimutan na ipagamot ung nanay, nagbakasyon na..
    hehe..
    nice job po..ganda ng story! =)

Mag-iwan ng mensahe...