Share Your Love!

Pilak Na Bughaw – Kabanata 3

“Si Luis Yap. Napakabait na tao. At maraming kuwento. Makikita mo mamaya, hindi iyon aalis sa tabi ko dahil ang dami-daming gustong ikuwento sa akin,” naaaliw na sagot ni Aling Isabel.

Na-impress naman si Nevada sa tinuran ng matandang kagawad. “Si Luis Yap ho? Ang alam ko ho ay siya ang shopping mall magnate sa Pilipinas.”

“Alam ko. Pero hindi naman ang tungkol sa kanyang mga shopping malls ang pinagkukuwentuhan namin. Ang lagi naming topic ay pagkain. Kung ano ang paborito niya. Kung paano lutuin. Kung saan nanggaling ang recipe na ganyan, ang recipe na ganito. Kung ano ang buhay niya noong mahirap pa lamang siya at nagsisikap. Kung gaano kahirap ang maatake ng rayuma. Mga ganoon lang ang topic namin, hindi kumplikado.”

May humaplos sa puso ni Nevada. Touched na touched siya. Ang sarap naman kasi ng friendship ng dalawang taong magkaiba ng mundo pero maraming bagay na pinagkakasunduan pagdating sa kuwentuhan.

Napangiti nang maluwang si Aling Isabel nang mapasilip na ito sa loob ng conference room. “Naku, hayun na si Luis! Kinakawayan na ako! Sige, Nevada, mauuna na ako sa iyo, para bago naman magsimula ang miting ay magkakuwentuhan man lamang kami ni Luis!” Mabilis nang nakapasok sa conference room si Aling Isabel.

Nakita ni Nevada ang sarili na naiwan ng kanyang grupo. Siya ang nasa buntot ng delegasyon. Nag-upuan na ang ibang kasamahan niya sa loob siya ay nasa labas pa rin ng pinto ng conference room.

Hindi naman sa naiintimidate siya, na inaatake siya ng hiya kaya hindi basta-bastang makapasok sa loob ng conference room.

Ginagawa lamang niya ang isang natural na gawi ng isang nilalang na kinakapa muna ang susuungin bago sumubo.

Wala siyang kaibahan sa isang mailap at matalinong hayop na pinakikiramdaman muna ang bahagi ng gubat na papasukin.

Nasaan ba ang panganib, ang kaaway?

Kailangan niya itong mamataan. Hindi niya gugustuhin na sa pagpasok niya sa loob ng conference room ay nakatutok sa kanya ang mga mata ni Francis Legaspi pero hindi niya alam kung nasaan ito doon.

Bata pa si Francis nang hull niya itong makita. Pero ang paniniwala ni Nevada ay kanya pa rin itong mamumukhaan.

Sigurado, guwapo ito. Guwapo naman talaga ito noon.

Mga Pahina: 1 2 3 4 5 6

2 responses to “Pilak Na Bughaw – Kabanata 3”

  • 1 saira says:
    January 29, 2011 at 6:11 am

    ang ganda nkkainspire xa sana gawa p kyo ng marami,.,

  • 2 monic says:
    April 11, 2012 at 6:51 pm

    wow..ganda sana hindi rin bitin tulad ng iba..god bless and more power..

Mag-iwan ng mensahe...