Share Your Love!

Pilak Na Bughaw – Kabanata 4

PAREHONG tama ang kilos at mga salita nina Nevada at Francis sa social and formal meeting na iyon ng mga barangay officers ng Awitan at Salvacion.

Masaya at masigla ang mga diskusyon. Kahit magkaiba ang katayuan sa buhay ng dalawang grupo, dahil sa tagal na rin ng tradisyon ng alliance nila, ay naroroon ang pagiging kumportable sa isa’t isa, ang pagtitiwala na ang samahang ito ay mananatiling buo at mabunga sa mga darating pang panahon.

Ang mga dati nang magkaibigan, katulad ni Aling Isabel at ng matandang shopping malls magnate na si Luis Yap, ay hindi nagpapahinga sa pakikipagkuwentuhan.

May mga kabataan din namang kagawad. Pero siyempre, dahil sina Nevada at Francis ang barangay captain, sa ganoong batang edad pa lamang, sila talaga ang mas napapansin ng lahat.

Hindi makailang beses na binanggit ni Aling Isabel ang nakaraan. Noong mga bata pa lamang sina Nevada at Francis na magkapartner pa sa say aw sa isang Barangayan.

May matatandang kagawad na alam din iyon. Si Luis Yap na matinik pa rin ang memory ay kabisado rin iyon.

“Naku, umiyak pa nga itong si Nevada dahil naitulak yata ni Francis. At medyo nakakatakot dahil dumugo ang noo niya,” dugtong naman ni Luis Yap.

Ang hindi alam ng mga naroroon, hindi bale-wala kay Nevada ang nakaraang iyon. Dahil may pilat siya na magpapaalala na noong kabataan niya ay nakaranas siyang maging biktima ng kapabayaan ng iba.

At si Francis iyon.

Habang pinagkukuwentuhan ang sugat niya noon sa noo, hindi na napigil ni Nevada na damhin ang pilat niya.

Nahipo niya iyon. At alam niyang ang hinanakit na nakatago lamang sa kanyang kalooban ay nakalarawan nang mga sandaling iyon sa kanyang magandang mukha.

Napatingin siya kay Francis.

Ito naman pala ay nakatingin din sa kanya.

Nakakunot ang noo nito pero ang mensahe naman ng expression na iyon ay hindi galit.
Para bang nagtatanong sa kanya nang palihim si Francis.

Iyan ba ang pilat ng sugat na nalikha ng hindi ko sinasadyang pagtulak sa iyo noon?

Mga Pahina: 1 2 3 4 5 6

5 responses to “Pilak Na Bughaw – Kabanata 4”

Mag-iwan ng mensahe...