Share Your Love!

Pilak Na Bughaw – Kabanata 7

Patay-malisya pa rin si Francis, pati rin si Nevada.

Nang heto na ang isang makulit at atribidang batang maliit. Ubod ng daldal. Pero ang cute naman. Lumapit ito kina Nevada at Francis.

“Kuya Francis, Ate Nevada… bakit po kayo nakauniporme, kami ay hindi?”

Nang matawa si Nevada, natawa na rin si Francis.

“Klay-klay, hindi namin sinadya ito. Nagka-pareho lang kami. Hindi ito uniporme,” paliwanag ni Nevada sa bata.

“Aalis na ang bus, Klay-klay. Bumalik ka na sa upuan mo, baka madapa ka pa.” Magiliw na itinaboy ni Francis ang bata.

Sumunod naman ang bata. Pero nabasag na nito ang awkwardness nina Nevada at Francis. Naging natural na lamang sa dalawa ang matawa pa rin at magkuwentuhan tungkol sa kanilang mga suot.

“Bumibili ka rin pala ng T-shirt na affordable!” sabi ni Nevada.

“I buy whatever I want. Wala sa presyo iyan. Masarap ito sa katawan, di ba? Presko. Lahat yatang colors nito ay meron ako,” sagot naman ni Francis sabay hawak sa manggas ng kanyang t-shirt.

Natigilan naman si Nevada.

“O, bakit?” puna ni Francis.

“Pareho pala tayo. Kumpleto rin ako sa kulay ng ganitong T-shirt.”

“Wow…” napapantastikuhan na lang na nasabi ni Francis.

Si Nevada naman ay napapailing, parang hindi rin makapaniwala na may one thing in common sila ng lalaking ito. At nagkataon pa naman na intimate na gamit. T-shirt!

Iniba ni Francis ang sagot. “Pero nagbaon din ako ng isa pang T-shirt. Dahil baka pawisan tayo, e. Hindi na Bench iyon.”

Tumango lang si Nevada. Hindi na niya sinabing siya man ay may baon ding pamalit na pang itaas. Hindi T-shirt kundi cotton blouse. Balak din niyang magpalit mamaya kung papawisan at maalikabukan na sila.

Pareho sila ni Francis na may dalang backpack.

Mga Pahina: 1 2 3 4 5 6 7 8

Mag-iwan ng mensahe...