Share Your Love!

Isang Milyong Pag-Ibig – Kabanata 8

NAPAKAGARA at napakaluwang ng kumedor sa mansiyon ng mga Vergara. Hindi makapaniwala si Emmalyn na nakaupo siya sa isa sa labindalawang silyang narra na nakapalibot sa isang rectangular na mesang yari din sa narra. May mantel iyong puti na may burda.

Tatatlo lamang silang naghahapunan, ang ama ni Adrian, siya at si Adrian. Roasted turkey ang kanilang kinakain. Napakasarap ng pagkakaluto, nguni’t hindi halos makakain si Emmalyn. Ingat na ingat siya sa paggamit ng mga kubyertos. Binabantayan niyang mabuti ang dinadampot at ginagamit ni Adrian at ng papa nito. Nakakahiya kung ibang kutsara o tinidor o kutsilyo ang kanyang magamit.

Panay ang kuwentuhan ng mag-ama habang kumakain. Paminsan-minsan ay kinakausap at tinatanong din ng ama nii Adrian si Emmalyn. Inalam kung ilang taon na ang dalaga, kung saan nagtratrabaho at kung ano ang natapos na pag-aaral. Labis na kinakabahan si Adrian. “Papaano kung hindi magustuhan ng kanyang papa ang babaing pakakasalan niya?” lihim na nagdarasal ang binata.

Nang matapos silang kumain ay dinala ng Don sa hardin sina Emmalyn at Adrian. Doon nagpahatid ng kape ang matanda.

Nakaupo sa harap ng isang bilog na mesang yari sa bakal at pinintahan ng puti ang mag-ama. Sinadya naman ni Emmalyn ang lumayo. Nagkunwaring nasisiyahan sa panonood sa hardin at sa water fountain na naroroon sa gitna ng halamanan.

“Papa, alam kong hindi mayaman at walang natapos si Emmy, pero… pero mahal na mahal ko siya at gusto na naming magpakasal.”

“Ano naman ang kinalaman ng kayamanan at pinag-aralan sa dalawang taong nagmamahalan?”

“Maraming magulang ang maraming ini-expect sa magiging asawa ng kanilang anak.”

“Hindi komo mataas ang pinag-aralan at galing sa isang buena familia ang isang babae ay nakatitiyak ka nang magiging isa itong mabuting asawa.” napapailing ang ama ni Adrian.

“Hindi mabuting basehan sa pagiging isang mabuting asawa ang salapi at karunungan. Para sa akin, ang importante ay ang kabaitan, kasipagan at pagiging matapat ng isang tao.”

“Ano ang masasabi mo sa babaing napili kong maging asawa, Papa? Nakapasa ba siya sa panlasa ninyo?”

Mga Pahina: 1 2 3 4 5 6 7 8 9 10

2 responses to “Isang Milyong Pag-Ibig – Kabanata 8”

  • 1 rey says:
    March 17, 2010 at 8:40 pm

    sana ituloy ang kwento..ang ganda!

  • 2 Rina says:
    October 13, 2010 at 9:05 pm

    nalimutan na ipagamot ung nanay, nagbakasyon na..
    hehe..
    nice job po..ganda ng story! =)

Mag-iwan ng mensahe...