Share Your Love!

Isang Milyong Pag-Ibig – Kabanata 8

“Papa, kailangang-kailangan ko ang halagang sinabi ko sa iyo noon. Magsososyo kasi kami ng Taiwanese businessman na sinabi ko sa iyo. Ibabalik ko naman sa iyo ang perang hinihiram ko. Matatagalan pang maitayo ang negosyo namin kung hihintayin mo pang magka-baby kami ni Emmalyn.”

“Sorry, Iho, pero iyan ang pasiya ko.”

“Adrian, bakit hindi pa natin ipagtapat kay Papa ang totoo?”

Napakunot ang noo ni Adrian. Napakislot sa kanyang upuan ang matanda.

“May ipinaglihim kayo sa akin?”

Muling nagpalitan ng makahulugang tingin sina Emmalyn at Adrian.

“Don Alejandro…” si Emmalyn.

“Papa na ang dapat mong itawag sa akin, Iha.”

“Papa, matagal na ho kaming nagsasama ni Adrian. May anak na ho kami. Anim na buwan na ang gulang. Dahil nga ho sa aming anak kung kaya naisipan niyang pakasalan na ako.”

Kapwa namilog ang mga mata ng mag-ama. Si Don Alejandro ay dahil sa tuwa, nguni’t si Adrian ay dahil sa labis na pagkabigla.

“Gusto kong makita ang apo ko! Diyaske ka, Adrian! May apo na pala ako ay hindi mo sinasabi! Nasaan ang apo ko? Ano’ng pangalan niya?”

Hindi makasagot si Adrian. Nalito.

“Andro ho ang palayaw sa kanya. Alejandro rin ang buong pangalan. Sa pangalan n’yo kasi kinuha ang pangalan ng anak namin.”

“Kunin n’yo ang apo ko! Gusto kong makita!”

“Magbibihis lang ho ako at kukunin ko.” nakangiting wika ni Emmalyn.

“Papaano ang honeymoon ninyo? May tiket na kayo para sa Paris. Ngayong gabi ang lipad ninyo.” si Don Alejandro.

“Bago pa man kami ikasal, napagkasunduan na ho namin ni Adrian na hindi na kami magha-honeymoon. Gastos lang ho iyon. Isa pa’y me anak na kami.”

“Esta bien. Kayo ang bahala kung ayaw na ninyong mag-honeymoon. Ang gagastusin ninyo sa pagpupulot-gata ay ibibigay ko na lang sa inyo.”

Mga Pahina: 1 2 3 4 5 6 7 8 9 10

2 responses to “Isang Milyong Pag-Ibig – Kabanata 8”

  • 1 rey says:
    March 17, 2010 at 8:40 pm

    sana ituloy ang kwento..ang ganda!

  • 2 Rina says:
    October 13, 2010 at 9:05 pm

    nalimutan na ipagamot ung nanay, nagbakasyon na..
    hehe..
    nice job po..ganda ng story! =)

Mag-iwan ng mensahe...