Share Your Love!

Pilak Na Bughaw – Kabanata 7

WALANG inaksayang panahon, unang buwan pa lamang ng panunungkulan nina Nevada at Francis ay nagkaroon kaagad ng educational tour ang mga batang mahirap sa Awitan.

Sa Metro Manila lang naman, sa Manila Zoo at sa mga art galleries sa Megamall.

Apat na malalaking bus, puro air-conditioned, ang sinakyan ng mga bata.

At natupad ang gusto ng mga kagawad na sina Francis at Nevada ang mangulo sa naturang educational tour. Pero siyempre, may mga adult assistants din naman sila na magbabantay din sa mga bata.

Sport lang naman si Nevada. Kahit magkatabi sila ng upuan ni Francis sa bus ay okey lang sa kanya. Nasabi na nga niya sa sarili na hindi na niya paiiralin ang personal niyang damdamin pagdating kay Francis.

At si Francis naman ay nangako rin sa sarili na magiging maginoo, mabait at mapagbigay. Kung maliit na bagay lamang, hindi na niya papatulan, basta ang importante ay hindi na sila mag-away ni Nevada.

Siya naman talaga ay hindi marunong mang-away ng babae. Umiinit nga lamang ang ulo niya kapag may gusot, at natural lang naman siguro iyon.

Ang starting point ng tour ay sa Awitan. Dito humihimpil ang mga bus para hintayin ang mga batang sasakay.

Si Francis ay nagpahatid na lamang sa kanilang driver. Iniuwi rin kaagad ang van sa kanilang bahay matapos siyang ihatid.

Tatawag na lamang siya sa kanyang cellphone kung kailangan na siyang pasundo ng driver sa Awitan, pagkatapos ng kanilang tour.

Kumportable ang suot ni Francis, maong na faded, Nike na high-cut at round neck na t-shirt na Bench na ang kulay ay powder blue.

Kahit siya mayaman, hindi partikular si Francis na magsuot ng mga mamahaling brand na damit. Ang suot niyang t-shirt ay three hundred pesos lang pero dahil guwapo at maganda ang pangangatawan, mukha na rin itong mamahalin sa kanya.

Mga Pahina: 1 2 3 4 5 6 7 8

Mag-iwan ng mensahe...